Friday, October 30, 2009

PANGANGAMPANYA NG MGA MAPAGSAMANTALA

Sa paghagupit ng bagyo Ondoy sa ating bansa, matindi ang pinsalang idinulot nito kabilang ang pagkawasak ng hekta-hektaryang pananim pang agrikultura, milyon milyong halaga ng inprastraktura at ari-arian at higit sa lahat, daan-daang buhay ang nawala. Hindi pa man nakakaahon ay isa na namang bagyo ang nagdulot ng mas matinding paghihirap lalo sa mamamayan. Sa ngayon, nasa “state of calamity” ang bansang Pilipinas dahil sa matinding pananalanta lalo na sa parteng hilaga.

Sa kabila ng pinsalang natamo ng ating bansa at ng mga taong lubos na apektado ng nasabing mga bagyo, ang senaryong ito ang naging dahilan upang ipadama ng bawat mamamayang Pilipino ang pagkakaisa at pagdadamayan lalo sa oras ng kagipitan. Marami mga kababayan natin ang nagsilbing bayani na hindi inalintana ang sinusuong na panganib sa malakas na agos ng tubig, mailikas at mailigtas lamang ang maraming buhay. Ang iba nman ay iminalas ang kanilang pakikiramay sa pamamagitan ng pag ambag at pangongolekta ng mga donasyon at pamamahagi ng pagkain, damit, gamot at iba pang pangangailangan ng mga nasalanta ng baha. Sa kabilang banda, may magandang naidulot ang nasabing trahedya sa iilan nating kababayan sapagkat nabigyan sila ng pagkakataon upang kumita sa gitna ng kahirapan gaya ng talyer at pagawaan ng mga nasirang kasangkapan. Ngunit may iilan ding mga taong nananamantala ng pagkakataon. Sa halip na tumulong ay nakuha pang pagnakawan ang mga naabandonang kabahayan na naapektuhan ng baha. Katulad ng mga ito ang mga politikong sinamantala ang kalamidad para sa pansariling kapakanan. Ginagamit ang pagkakataon upang mapabango ang kanilang mga pangalan sa mga taong kanilang inabutan ng tulong para sa darating na eleksyon.

Dahil sa papalapit na ang eleksiyon, dumarami ang hanay ng mga pulitikong nagnanais tumakbo sa darating na eleksiyon ang puspusang naghahatid ng tulong sa mga biktima ng trahedyang dulot ng mgkasunod na bagyo. Lingid sa mga taong kanilang tinutulungan, ito ay pagpapakitang-tao lamang at ginagamit lang ng mga mapagsamantalang politikong ito ang pagkakataon upang mapaganda ang kanilang imahe.

Hindi bat nakapanlulumong isipin na me iilan paring mga taong mas binibigyan ng prayoridad ang kanilang pansariling interes habang ang buong sambayanan ay abala sa pagtulong at pagdamay sa kanilang kapwa. May mga pulitikong nag abot nga ng tulong ngunit halatang may bahid ng pamumulitika ang tulong na iyon. Kung talagang taos sa puso ang pakikiramay at pagbibigay-tulong, hindi na kailangan pang ilagay ang pangalan sa nasabing tulong upang malaman kung saan at kanino nanggaling ang mga iyon. Hindi na kelangan pang malaman ng buong bansa ang nagawang kabutihan at pagmamalasakit sa kapwa.

Mayroon ding mga pulitikong nagiging abala na sa pangangampanya sa pamamagitan ng paglalagay ng mga banners, posters at iba pang mga campaign paraphernalia sa ilang probinsiya pagkatapos humagupit ang bagyong Ondoy at Pepeng. Ang mga ganitong gawain ay nagpapatunay lamang ng kanilang pagiging makasarili at kawalan ng pagpapahalaga sa kapwa. Hindi man lang nagawang isantabi ang sariling interes upang bigyang daan ang pag intindi sa kapwa na nagdaranas ng kahirapan sa panahong ito.

Katulad na lamang ni Sen. Noynoy Aquino na kung saan mayroong kumakalat sa internet na nagpapakita ng kanyang mga banners at posters sa ilang probinsya bilang pagkampanya sa darating na eleksiyon. Tila nga ba nawawala na ang pagpapahalaga ni Noynoy sa kanyang kapwa at nagiging makasarili na? Oo ngat may iniabot na tulong ang Senador sa mga nasalanta ngunit hindi ito sapat upang ipabatid ang kanyang pakikiramay. Sa halip nagiging abala siya sa pangangampanya at pagpupulong sa ibat ibang personalidad at kinalimutan ang mga taong higit nangangailangan sa kanya.

Sa ngayon, hindi pa man tayo lubos na nakakaahon sa pagkalubog dulot ng nasabing kalamidad, dapat nating isaalang alang ang tamang pagpili ng isang lider na mamumuno sa ating bansa. Huwag nating hayaang samantalahin ng mga mapaglinlang na mga politiko ang paghihirap na nararanasan natin sa ngayon. Sa panahong ito natin makikita at mapapatunayan ang sinseridad ng mga totoong nagmamalasakit at may pagpapahalaga sa kapakanan ng sambayanan. Hindi kailangan ng mamamayang Pilipino ang pinunong ganid at uhaw sa kapangyarihan bagkus isang pinuno na may pagmamalasakit sa kapwa at magbibigay ng magandang kinabukasan sa buong bayan.

No comments:

Post a Comment