Monday, June 28, 2010

CPP NPA, UNTI UNTI NANG NALULUSAW

Tila isang masamang panaganip ang unti unting nagkakatotoo sa grupong komunista na matagal ding nanghahasik ng karahasan at pang aabuso sa ibat ibang panig ng bansa matapos na tahasang suungin ang larangan ng pulitika nung nakaraang eleksiyon.

Matagal nang pinasok ng mga rebeldeng grupo ang sistemang pampulitika ng gobyerno sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kalahok sa party list at pag suporta sa mga kandidatong napipisil ng grupo. Subalit, nitong nakaraang eleksiyon lamang naging lantaran ang CPP NPA sa pagsuporta at paglahok ng kanilang miyembro sa isang mabigat na posisyon sa gobyerno gaya ng kanilang pagsuporta sa kandidatura ni Manny Villar sa pagka pangulo na kanila pang isinapubliko at ang pagtakbo ng ilang kilalang miyembro na sina Satur Ocampo at Liza Maza sa pagka senador. Hindi pa nakuntento sa panggagamit ang rebeldeng grupo sa eleksiyon sa pamamagitan ng panghihingi at paglikom ng limpak-limpak na salapi gamit ang kanilang permit-to-win at permit-to-campaign sa mga kandidatong pumupunta sa kanilang nasasakupan, ninais pa ng mga ito na makakuha ng pwesto sa gobyerno upang dahan dahang masakop ang pamunuan ng bansa.
Marahil ay naging agresibo sa pagbitaw ng desisyon ang lider ng komunistang grupo at tila hindi napag isipang mabuti ang ginawang hakbang. Sa kanilang pagnanais na mapadali ang pagwasak ng gobyerno ay mas lalo pa tuloy silang nasira sa mata ng sambayanan dahil nitong nakaraang eleksiyon ay kakapiranggot lamang ang nakuhang boto ng mga kilalang maka-kaliwa taliwas sa inaakalang malaking suportang makukuha mula sa taong bayan.

Sa ganitong sitwasyon ay tila unti unti nang namumulat ang diwa ng mga taong dati ay tumatangkilik sa mga rebeldeng NPA at nabubulag sa kanilang huwad na mga pangako. Marahil din ay sapat nang pruweba para sa kanila ang panlilinlang at panggagamit ng rebeldeng grupo sa mga kandidatong nauto at natalo tulad ni Villar na gumastos ng napakalaking halaga nitong nakaraang eleksiyon. Sa kagustuhang masiguro ang kanyang pagkapanalo sa pagka presidente ay nakipag-alyado si Villar sa komunistang grupo ngunit sa halip na siya ang makinabang ay siya pa tuloy ang pinakinabangan ng grupo sa pamamagitan ng kanyang salapi.

Ito rin umano ang naging dahilan kung kayat tumaliwas ang ilang grupo ng NPA dahil sa hindi pag sang-ayon sa kagustuhan ng kanilang liderato. Matatandaang napabalita kamakailan ang pagtiwalag ng grupo ni Benito Tiamzon sa hanay ni Joma Sison dahil sa mahigpit na tinututulan at kinukondena ng nasabing grupo ang pagpapatupad ng permit-to-campaign at permit-to-win. Hindi rin sinang ayunan ng grupo ang pakikilahok ng ilang kilalang miyembrong NPA sa eleksiyon at pagbibigay ng suporta sa mga tumatakbong kandidato na ayon kay Tiamzon ay isang direktang pagtalikod sa kanilang layunin at ideolohiyang pinaniniwalaan.

Ang ganitong mga indikasyon ay nagpapakita lamang na nagiging marupok na ang samahan ng rebeldeng grupo maliban pa sa unti unting pagkawasak ng tiwala ng mamamayang minsan nang nalason ang pag iisip. Nagsisimula nang magising ang mga sumusuporta sa kanila dahil na rin sa mga pangakong ni minsan ay hindi nila napatupad bagkus ay lumilitaw ang totoong kulay ng pananamantala at panggagamit para sa kanilang sariling interes.

No comments:

Post a Comment