Thursday, November 19, 2009

ANG HINAHARAP NG MAGSASAKANG PILIPINO SA KAMAY NI NOYNOY AQUINO

Posibleng hindi makakakuha ng sento porsyentong suporta si Senador Noynoy Aquino mula sa mga magsasaka sa darating na eleksiyon kung patuloy na mananahimik at iiwasan ng nasabing presidentiable ang isyung tumutukoy sa paghahati ng ekta-ektaryang lupain sa Hacienda Luisita na pagmamay ari ng pamilyang Cojuangco.
Ang nasabing kontrobersiya ay patungkol sa lupang ibabahagi sa mga magsasakang nagtatrabaho dito. Ang hasyenda ay nagsasaklaw ng 6,453 ektaryang lupain na kung saan ang malaking bahagi nito ay mapupunta sa mga magsasaka. Ito ang bagay na dapat bibigyang pansin ng Senador sapagkat ano mang maling hakbangin o desisyong kanyang isasagawa ayon sa pagbibigay palugit ng Hacienda Luisita Incorporated sa mga manggagawang magsasaka na lisanin ang naturang hasyenda ay makakaapekto sa pagkamit ng kanyang inaasam bilang isang kandidato ng pagka pangulo. Una nang ipinahayag ng nasabing mambabatas ang kanyang pagbibitiw sa HLI pabor sa mga magsasaka ngunit kabaliktaran ito sa kanyang mga kinikilos sa ngayon. Tila hindi kayang isagawa ng Senador ang kanyang mga binitiwang salita dahil sa mga pakabig nitong pahayag lalo na sa pasaring na diumano’y maliit na share ng pamilyang Aquino at ang paluging estado ng nasabing lupain.
Sa pananaw ng nakararami, hindi sapat ang pagpapahayag ni Noynoy sa kanyang hangaring maipamahagi ang hasyenda sapagkat wala naman siyang matibay na hakbang na ginagawa para maitupad ito. Kung iisipin, matagal na panahon nang dapat pinapakinabangan ng mga pobreng magsasaka ang lupaing ipinangako sa kanila ni Don Jose Cojuangco na may kaakibat na legal na kasunduan sa gobyerno noong 1958. Ayon sa kasunduan, ang pagpapahiram sa matandang Cojuangco ng US $2,128,480 ng gobyerno mula sa kaban ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng Government Service Insurance system (GSIS) ay kapalit ng pamamahagi ng Hacienda Luisita sa mga maliliit na magsasakang nagsisilbi dito ayon sa umiiral na social justice program ng gobyerno ng panahong iyon. Bukod pa rito ang mariing pag utos ng Manila regional Trial Court XLIII noong Disyembre 2, 1985 sa pamamahagi ng apat na libong hektarya ng Hacienda Luisita sa mga magsasakang naninirahan dito.
Malinaw na nararapat lamang na mapunta sa mga magsasaka ang malaking bahagi ng naturang hasyenda na sinang-ayunan pa mismo ng dating pangulong Cory Aquino na kung saan nagbigay din ng kanyang pangakong isasama ang plantasyon ng asukal sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa ilalim ng kanyang administrasyon noong 1986. Sa kabila ng pangakong ito, hindi pa rin nabigyang katuparan ang pamamahagi sapagkat ginawang korporasyon ng pamilya Cojuangco ang Hacienda Luisita at ang mga kaawa awang magsasaka ay ginawa lamang stock holders na mas lalong nagpahirap sa kanilang buhay. Hindi ba pagpapaikot lamang at pangakong napako ang nakamit ng mga magsasakang namuhunan ng dugo at pawis sa lupaing ito?
Ang pamilya Cojuangco na kinabibilangan ni Senador Noynoy Aquino, ay obligadong ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita, na nararapat para sa maralitang magsasaka. Hindi mapapakain ng pangako ang mga pamilya ng mga mgasasakang ito. Kung talagang nais tumulong ni Noynoy na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino lalo na ng mahihirap, dapat lang na simulan nito sa kanyang bakuran. Hindi lamang puro pagpapakitang gilas sa pamamagitan ng pagbibigay pangako ang kanyang gagawin kundi pagbibigay katuparan sa mga pangakong ito. Hindi nya magagamit ang isyu ng Hacienda Luisita sa paglikom ng boto mula sa magsasaka. Alalahanin nya, ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita ay iilan lamang na sumisimbolo sa milyong magsasaka sa buong bansa. Nakatuon ang pansin ng mga ito sa maging hakbangin ni Noynoy lalo pat Lupang Sinasaka ang pinag uusapan.

No comments:

Post a Comment