Thursday, November 19, 2009

SABWATANG MANNY VILLAR AT SATUR OCAMPO

Kamakailan lamang ay napabalita sa ibat ibang pahayagan ang isyung pagbebenta ng 2 milyong boto sa mga presidentiables kapalit ang hinihinging limang cabinet posts at iilang committee chairmanship sa kanilang administrasyon kung papalaring manalo sa darating na eleksiyon. Sa katauhan ni Bayan Muna representative Satur Ocampo at mga kaalyado nito, puspusan ang panggagapang ng maka-kaliwa para dahan dahang masupil ang gobyerno ng Pilipinas.

Sa mga presidentiables, nangunguna ang pangalang Manny Villar sa listahan ni Satur. At ngayon, tila maisasakatuparan na ang ambisyon ng kampo ni Satur dahil sa posibleng pagkakabilang nya sa senatorial slate ni Villar. Ibig bang ipahiwatig ni Senador Villar ang kanyang pagtanggap sa offer ni Satur? Nawawala na ba ang moral ng nasabing senador at magpapatangay sa bitag ng makakaliwa? Tila nawawala na ang kumpiyansa sa sarili at kanyang integridad maisiguro lamang ang kanyang pagka panalo.

Hindi bat isa sa mga isinusulong ni Villar ang pgkakaroon ng pagbabago sa ating bansa sa pamamagitan ng malinis at maayos na gobyerno. Kung ganito ang takbo na tinatahak ngayon ng Senador, dapat na mapagmatyag na ang taong bayan lalo ang mga botante sapagkat sa umpisa pa lamang ay lantaran na ang pandaraya hindi pa man nagsisimula ang eleksiyon.

Kung talagang malinis ang hangarin ni Villar sa ating bansa, hindi dapat siya padadala sa mga “ginintuang” alok ni Satur. Siya man ay may mapagkunwaring balakin ayon sa mga plano at ambisyon ng grupong kanyang kinabibilangan. Ang totoo, hindi naman paglaban sa karapatan ng mamamayan o kapakanan ng ating bansa ang talagang mithiin ni Satur. Siya man, ay tumalikod din sa sariling idelohiya dahil sa kanyang handang pagsanib sa senatorial line-up na kung saan posibleng makakasama nya ang anak ng dating nagpahirap sa kanya na si dating presidente Ferdinand Marcos noong panahon ng martial law. Si Ilocos Norte Representative Bongbong Marcos ay isa rin sa mga kinakausap ng kampo ni Villar upang humanay sa talaan ng pagkasenador.

Ang pagtalikod din ni Satur sa dating kalyadong si Chiz Escudero matapos itong magpahayag ng kanyang pag-alis sa partidong Nationalists People’s Coalition (NPC) at nagdesisyong maging independent ay isa ring pagpapatunay na higit sa lahat ay kapangyarihan ang tanging hinahangad ni Satur Ocampo at ng mga kasama sa MAKABAYAN. Una pa man, pinahayag na ni Satur ang kanyang suporta kay Escudero sa kandidatura nito sa 2010 eleksiyon. Ngunit ang pagbitiw ni Escudero sa partido ang nagbigay din kay Satur ng dahilan upang talikuran ang Senador. Hindi bat napakalinaw na panggagamit lamang ang pakay ng grupo ni Satur lalo pa’t napakalawak ng saklaw pang pinansiyal at bilang ng taga-suporta ng naturang partido. Marahil nais lamang gawing kasangkapan ng grupo ni Satur Ocampo si Escudero at ang partido upang makalikom ng suporta at sapat na boto para sa kanya at sa MAKABAYAN.

Nakakapanlumong isipin na sa kabila ng ating kagustuhang mapabuti at magkaroon ng pagbabago sa ating bansa ay may iilan pa ring mga sakim na walang iniintindi kundi ang pansariling kapakanan. Sadyang maswerte pa rin si Juan Dela Cruz at kanyang natuklasan ang mga balakin ng mga taong ganid at mapagsamantala.

Kaya naman tayong mamamayan na may pagmamahal sa ating bansa, huwag nating hayaang manaig ang mga taong huwad ang hangarin. Dapat maging mapagmasid at huwag padadala sa mga mapaglinlang na walang ibang hinahangad kundi maisakatuparan ang kanilang ambisyon at pansariling interes sa bayan.

No comments:

Post a Comment