Sa mga nagdaang araw, malaki ang nawala sa Pilipinas lalong-lalo na sa mga taong nabiktima ng matinding paghagupit ng bagyong Ondoy sa kalakhang Maynila pati na rin sa mga katabing lalawigan. Ito ay sinundan ng pagpasok ng isa pang bagyo na si Pepeng na hinagupit at tumama mismo sa lalawigan sa hilagang bahagi ng bansa. Sa ngayon, ang buong bansa ay nasa state of calamity dahil sa pananalasang idinulot ng dalawang bagyo.
Ang mga pangyayaring ito ay nagdulot ng pagkakaisa, pakikipagtulungan at pagkakapantay-pantay ng bawat Pilipino sa pagbibigay ng tulong sa mga kapwa Pilipino. Ang trahedya ng bagyo ay nagbigay rin daan sa ilan upang magkaroon ng mapag-kakakitaan sa gitna ng dinaranas na kahirapan ng bansa gaya na lamang ng mga maliliit na talyer at gawaan ng mga kasangkapan sa bahay. Sa kabilang banda, may mga tao rin na nagging mapagsamantala dahil ninanakawan nila ang mga bahay na nilisan ng mga may-ari. At ang masama, may mga ilang opisyal na ginamit ang kanilang kapangyarihan upang makapagbigay ng tulong para na rin sa kanilang pansariling kapakanan dahil sa nalalapit na eleksyon.
May mga ilang tatakbong opisyal ang mga nakita sa lansangan ng iba’t-ibang lugar upang maghatid ng tulong. May iilan din na puspusan ang pagtulong upang bumango ang kanilang pangalan at imahe. Marahil, palapit na ng palapit ang araw ng eleksyon kung kaya’t lahat ng maaari nilang gawin upang makatulong ay puspusan at sisikapin nilang magawa.
Subalit, nakakabahala na may ilan na inuna pa ang kanilang sarili bago ang mga taong humihingi ng saklolo. May mga litrato na nagkalat sa ngayon sa internet patungkol sa pagkakabit ng mga campaign paraphernalia ni Senador Noynoy Aquino sa ilang probinsiya pagkatapos humagupit ang bagyong Ondoy. Nagawa pa umanong makipagkita ni Aquino kay dating Pangulo Joseph Estarada upang magkaroon ng pagpupulong sa pagitan nilang dalawa sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Ang ganitong gawain ay mariing ikinokondena dahil ang lahat ng tao ay abala sa pagtulong sa mga kakababayang nasalanta ngunit si Aquino at ang kanyang mga taga-suporta ay nagging okupado sa pagkakabit ng mga banners at posters bilang pagkampanya sa parating na eleksyon. Ito ba ang lider na gugustuhin ng lahat? Mas uunahin pa niya ang kanyang sarili bago ang mga taong bayan. Wala na ba talaga siyang respeto sa mga kahirapan na dinaranas ng kanyang mga kababayan? Kung tutuusin, ang lahat ng ito ay patunay lamang na walang pakialam ang mga Aquino sa mahihirap gaya na lamang ng nangyari sa Hacienda Luisita.
Ang mga pagtulong na ginagawa ni Aquino sa mga nasalanta ay hindi sapat dahil ang mga pera na kanyang ibinahagi ay hindi nanggaling sa sariling bulsa kundi pera na nilikom ng kanyang mga taga-suporta na nagmula rin sa taong bayan. Hindi man lang niya masuklian ang binigay na hirap at pagod na naranasan ng sambayanang Pilipino sa pakikiramay at pagdadalamhati sa kanilang pamilya ng namatay ang kanyang ina.
Ganoon na ba talaga katindi ang kanyang pagnanasa na maka-upo sa paayo ng Malacanang? Wala na ba siyang oras na pinipili kung kaya’t ultimo oras ng kalamidad ay kanyang susugurin para lamang mangampanya at makipag-usap sa iba’t-ibang pulitiko.
Marapat munang isantabi ang pangangampanya dahil hindi pa lubusang nakakabangon ang bansa sa dalawang magkasunod na bagyo na nag-iwan ng matinding sugat sa bansa.
Thursday, November 19, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment