Ayon sa pambansang bayani na si Jose Rizal, ang kabataan ay pag-asa ng bayan. Ang mga katagang ito ay nagsisilbing inspirasyon sa karamihan lalo na sa mga kabataan dahil tumatatak sa kanilang isipan na sila ang magsisilbing gabay upang magkaroon ng malawakang pagbabago sa pamamalakad sa bansa. Kung kaya, malimit na nakikita ang mga kabataan at estudayante na nagtitipon-tipon sa kalsada upang marinig ng gobyerno ang mga hinaing nila sa isyung kinahaharap ng bansa ngayon. Ngunit alam ba nila talaga kung ano ang kanilang pinaglalaban? O nauto na lamang sila ng mga tao o grupong sadyang sumasalungat sa gobyerno?
Ang pagkamatay ni Kemberly “Kimay” Jul Luna na isa sa mga kabaatang miyembro ng New People’s Army (NPA) ay binigyang parangal ng Communist Party of the Philippines (CPP) dahil sa kanyang pakikibaka sa murang edad. Bago pa man masali sa NPA, si Kimay ay kabilang sa “iskolar ng bayan” at nag-aaral sa Mindano State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT). Ngunit nasayang ang ibinigay sa kanyang pagkakataon na makatapos sana ng pag-aaral dahil sa kanyang pagtalikod sa pag-aaral at pag-anib sa Partidong Komunista. Marahil, sa tamis ng pananalita at mga huwad na pangako ng mga taong nagrekruta ay nabulag si Kimay sa ideolohiya ng partido kung kaya hindi na niya kinailangan ang edukasyon.
Ang pangyayaring ito ay lubusang inabuso ng CPP dahil nagbigay daan ito upang makahikayat ng mga kabataan na umanib sa kanilang samahan. Ang pagkawala ni Kimay ay walang nagawang mabuti sa kanyang sarili at pamilya niya mismo. Ang NPA lamang ang nakinabang sa pagkamatay ni Kimay dahil ginamit nila ito bilang isang propaganda upang madagdagan ang kanilang puwersa sa pamamagitan ng paghihikayat sa iba pang kabataan para umanib sa kanilang kilusan.
Tama ba ang isinusulong na ideya ng CPP at NPA? Inaatasan nila ang mga kabataan, estudyante at propesyunal na sumali sa kanila upang mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Kimay. Humihina na nga ba ang kanilang puwersa kung kaya ginagamit pa nila ang kamatayan ni Kimay para sa kanilang pansariling interes? Wala naman sanang masama sa kanilang pinaglalaban ngunit patuloy naman ang kanilang armadong pakikibaka na nagdudulot ng kapahamakan hindi lamang sa buhay ng mga rebelde at sundalo kundi pati na rin sa mga inosenteng mamamayan nakapaligid sa kanila. Ito ba talaga ang gusto nating kahinatnan ng mga kabataang pag-asa ng ating bayan?
Wednesday, February 17, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment