Nagkakarooon ng matinding sigalot sa pagitan ng National Citizen’s Movement for Free Elections (NAMFREL) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa usapin ng pagiging lehitimong tagapagbantay sa darating na 2010 halalan. Iniipit umano ng PPCRV ang aplikasyon ng NAMFREL sa Commission on Elections (COMELEC) upang mapabilang sa listahan ng mga tagapagbantay ng boto upang masiguro ang pagkakaroon ng malinis at payapang eleksyon.
Ikinabigla ng mga namamahala ng NAMFREL ang naturang aksyon ng PPCRV dahil ang dalawang organisasyon ay nagtutulungan sa mga nakalipas na halalan at ang pinuno ng PPCRV na si Henrietta De Villa ay naging pinuno rin ng NAMFREL. Taliwas naman ito sa sinabi ni De Villa na walang gulo na namamagitan sa NAMFREL at PPCRV dahil maaaring magtulungan ang dalawang grupo upang maisakatuparan ang parehong layunin na magkaroon ng maayos at malinis na halalan. Ngunit biglang nabago ang lahat ng sabihin din ni De Villa na malilito lamang ang mga tao kung dalawang grupo, NAMFREL at PPCRV, ang magbabantay sa botohan. Hindi tuloy maialis ang mga kuro-kuro na may pinaplano ngang milagro ang PPCRV. Kung kaya’t tahasang pinaninindigan ng PPCRV na sila lang ang tanging magiging tagapagbantay ng boto sa halalan dahil masisira ang kanilang kredibilidad kung hindi magtutugma ang kanilang resulta sa ilalabas ng NAMFREL.
Hindi rin umano maintindihan ni Jose Cuisia, NAMFREL Chairperson, kung bakit kailangang hadlangan ng PPCRV ang kanilang plano na pagsasagawa ng pagbibilang para mailabas sa publiko taliwas sa inihain sa kontratang pinirmahan ng PPCRV na ang kanilang bilang ay hindi maaring maisapubliko. Nabanggit rin ni Cuisia na may mga ibang grupo/organisasyon na tahasang naghayag ng pag-aalala dahil nakikitaan ang PPCRV na may kahina-hinalang pakikipag-ugnayan sa mga opisyales ng COMELEC.
Dahil na rin sa mga akusasyon, natuklasan na si De Villa ay isa sa mga miyembro ng konseho ng COMELEC patungkol sa proyekto ng automation. Nalaman rin na si De Villa ay napabilang sa mga nagtatag ng Moral Force Movement (MFM) na inilunsad ni Supreme Court Justice Reynato Puno, matalik na kaibigan ni COMELEC Chairman Jose Melo, na dating associate justice ng Korte Suprema. Lumabas rin na si SC Puno ang umayos para ma-appoint si Melo sa mataas na hukuman bago pa man ito mailuklok sa COMELEC.
Dahil dito, ang PPCRV ay hindi magiging patas at hindi maaaring walang kilingang kandidato. Hindi rin nito magagampanan ng maayos sa kanilang tungkulin bilang tagapagbantay ng boto sa darating na halalan 2010. Nadiskubre kasi na isa sa mga pinuno ng PPCRV na si Johnny O.R. Cardeñas ay nanunungkulan bilang presidente ng Kapatiran sa Pangkalahatang Kabutihan (KPK) na naglunsad ng partidong Ang Kapatiran. Ang nasabing partido ay ini-endorso naman si Jose “JC’ De Los Reyes bilang kandidato sa pagkapangulo sa darating na eleksyon. Malinaw na hindi magiging lubos na matagumpay ang tungkulin ng PPCRV bilang taga-bantay ng boto dahil na rin sa mga taong bumubuo sa organisasyon na tiyak na may mga kinikilingang kandidato.
Wednesday, February 17, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment